Wednesday, March 29, 2017

Image resultSi Lope K. Santos ay ipinanganak noong  Setyembre 25 1879 at namatay noong  Mayo 1, 1963. Siya ay isang tanyag na manunulat sa wikang Tagalog noong kaniyang kapanahunan. Bukod sa pagiging manunulat, isa rin siyang abogado, kritiko, lider obrero, at itinuturing na Ama ng Pambansang Wika at Balarila ng Pilipinas.
Napangasawa ni Lope K. Santos si Simeona Salazar noong 10 Pebrero 1900, at nagkaroon sila ng limang anak. Nagkaroon siya ng karamdaman sa atay, ngunit hanggang sa huling sandali ng buhay ay hinangad ni Santos na maging Wikang Pambansa ang Wikang Tagalog.
Noong 1900, nagsimula siyang maglingkod bilang patnugot para sa mga lathalaing nasa wikang Tagalog, katulad ng Muling Pagsilang at Sampaguita. Siya ang tagapagtatag ng babasahing Sampaguita. Sa pamamagitan ni Manuel L. Quezon, naging punong-tagapangasiwa si Santos ng Surian ng Wikang Pambansa. Kabilang sa mga katawagang nagbibigay parangal kay Santos ang pagiging Paham ng Wika, Ama ng Balarilang Pilipino, Haligi ng Panitikang Pilipino, subalit mas kilala rin siya sa karaniwang palayaw na Mang Openg.


Kabayanihan
Ni: Lope K. Santos
Ang kahulugan mo’y isang paglilingkod
Na walang paupa sa hirap at pagod;
Minsan sa anyaya, minsang kusang-loob,
Pag-ibig sa kapwa ang lagi mong Diyos.

Natatalastas mong sa iyong pananim
Iba ang aani’t iba ang kakain;
Datapwa’t sa iyo’y ligaya na’t aliw
Ang magpakasakit nang sa iba dahil.

Pawis, yaman, dunong, lakas, dugo, buhay…
Pinupuhunan mo at iniaalay
Kapagka ibig mong sa kaalipinan
Ay makatubos ka ng aliping bayan.

Sa tulong mo’y naging maalwan ang dukha,
Sa turo mo’y nagging mulat ang mulala,
Tapang mo’y sa duwag nagging halimbawa’t
Ang kamatayan mo ay buhay ng madla.

Tikis na nga lamang na ang mga tao’y
Mapagwalang-turing sa mga tulong mo;
Ang kadalasan pang iganti sa iyo
Ay ang pagkalimot, kung di paglililo.


Ang Pagsusuri sa Filipino: Kabayanihan

Ang ipinapahatid na mensahe sa tula ay ang kabayanihan ng ating mga bayani. Ang mga paghihirap at sakripisyo nila na nagbunga ng kabutihan at kalayaan sa atin. Kahit na walang kasiguraduhan ang magiging bunga ng kanilang mga sakripisyo ay ginawa pa rin nila mula sa kanilang puso. Ang mga ginawa nila na pagtatanggol sa atin at sa mahal na bayan ay isinapuso nila kahit na may posibilidad na maaring hindi sila kilalanin sa kanilang kabayanihan. Pawis, yaman, dunong, lakas, dugo, buhay ay kanilang inialay para sa kabutihan ng bayan at dala na rin sa pag ibig sa kapwa. Ang pagiging bayani ay hindi biro, may iba pa nga na hindi nabibigyan ng dangal ang kanilang ginawang kabayanihan.

Ang kabayanihan nila’y naging magandang halimbawa para sa ibang tao. Ang iba sa kanila’y naging magandang ehemplo lalong lalo na sa mga dukha ang naging alipin ng kaalipustahan. Ang kanilang kabayanihan ay nagbigay inspirasyon sa mga tao upang magsalita para sa kanilang karapatang pangtao. Ipinapakita nila na hindi dapat tayo inaalipin at ipinapasunod lamang sa gusto nang ibang tao.

Ang iba nga’y pagkalimot lang ang iginaganti sa kanila, nililimot ang kanilang kabayanihan, sakripisyo at kabutihan na inialay sa aliping bayan. Huwag nating kalimutan na kung wala sila ligaya’t aliw ay hindi natin makakamit. Kung wala ang ating mga bayani ay malamang mga alipin pa rin tayo ng ibang bansa. Bigyan nating ng galang ang ating mga bayani.